Ano nga ba ang higit na katanggap-tanggap, ang isang tao na nakatira sa eskuwater pero namumuhay ng patas; o ang isang nakatira sa mansiyon subalit kasuklam-suklam naman ang mga ginagawa?
Lumapit kay Hesus ang mga Pariseo at tagapagturo ng Kautusan at sinabi sa Kaniya na kumakain ang Kaniyang mga Alagad nang marumi ang mga kamay dahil hindi muna sila naghugas, na ayon sa kaugalian ng mga Judio.
Ang karakter na ipinapakita ng mga Pariseo at tagapagturo ng Kautusan ay naglalarawan lamang sa panlabas na aspeto ng isang tao na kung tawagin ni Hesus ay pakitang-tao lamang at maliwanag na kahipokritohan.
Tila nais ipahiwatig ng Ebanghelyo na hindi lahat ng mga taong nagsusuot ng magarang damit at namumuhay sa karangyaan ay maituturing na malinis at banal kumpara sa mga taong namumuhay sa karukhaan at madudungis.
Katulad ng ipinapakita ng mga Pariseo at tagapagturo ng Kautusan na kunwari sila ay maselan at nandidiri sa karumihan at kadugyutan. Subalit ang nilalaman naman ng kanilang puso ay hindi kaaya-aya sa Panginoon.
Ang ating Panginoon ay hindi tumitingin sa panlabas na hitsura ng tao kung hindi ang Kaniyang tinitingnan ay kung ano nasa loob ng puso nito.
Walang saysay ang pagiging malinis sa katawan ng isang tao kung puro kabuktutan naman ang laman ng puso at isip. Ano ang silbi ng magarang kasuotan kung hindi naman marunong magpakatao at walang pag-ibig sa kapwa?
No comments: