Nakahinga na nang maluwag ang isang overseas Filipino worker sa Alkhobar, Saudi Arabia dahil sa wakas ay nakatakas na siya sa pagmamalupit ng kaniyang mga amo at ngayon ay nasa pangangalaga na ng Philippine Overseas Labor Office (POLO).
Si Ara, hindi niya tunay na pangalan, ang OFW na nag-viral kamakailan dahil sa video na kaniyang ibinahagi na kung saan makikitang sinasaktan siya ng kaniyang among lalaki.
Ayon sa kaniya, kasalukuyan siyang nagluluto noon nang bigla na lamang siyang hatawin ng walis sa katawan ng among lalaki. Nakaramdam na raw siya na bugbugin siya nito kung kaya sinet-up niya ang video camera ng kaniyang cell phone sa isang cabinet.
Agad niyang ibinahagi ang video sa social media ngunit sa kasamaang palad ay napag-alaman ito ng kaniyang mga amo kung kaya plano dapat ng mga ito na pasuin ng plantsa si Ara.
Mabuti na lamang at bago iyon gawin, ay inutusan muna ang OFW na magtapon ng basura. Dito na nagkaroon ng oportunidad si Ara na tumakbo papalayo upang tumakas at humingi ng tulong hanggang sa mapunta na nga siya sa pangangalaga ng POLO.
Kasalukuyan ng nakakulong ang amo niyang lalaki habang patuloy namang nagmamakaawa ang amo niyang babae na iurong ang kaso.
No comments: