MANILA - Inaresto ang isang dating umano'y carnapper matapos magpanggap bilang pari sa Tondo, Maynila nitong Linggo.
Nakasuot ng abito ang suspek na si Marlon Ponterez nang mag-alok na basbasan ang mga imahen ng santo at bahay sa Barangay 105.
Nagkataong ipinagdiriwang ng mga residente ang pista ni Santo Bakhita kaya nakumbinsi ang ilan sa kanila na bayaran si Ponterez para sa bendisyon.
Pero naghinala sila nang mapansing iniipit ng suspek sa Bibliya ang mga nakolektang pera, ayon sa pulisya.
Modus umano ng pekeng pari na magbendisyon sa mga bahay at mamilit ng bayad at isisiksik ang pera sa bibliya.
Inamin naman kalaunan ni Ponterez na nasa isang taon na niya itong ginagawa sa karatig probinsya ng Laguna kahit pa hindi siya dumaan sa pagsasanay bilang pari.
Nakumpiska sa kaniya ang isang bote ng tubig na mula umano sa Bundok Banahaw at ginagamit niya sa umano’y pagbebendisyon.
Nalaman naman ng pulisya na dating nakulong si Ponterez dahil sa kasong carnapping.
May mga tattoo rin siya sa katawan na disenyong marijuana at marka ng mga miyembro ng Sputnik gang.
Kung walang makuhang sertipikasyon sa mga simbahan na magpapatunay sa pagiging pari ni Ponterez, kakasuhan siya ng usurpation of authority, estafa at grave coercion.
NARIRITO ANG VIDEO PANOORIN:
No comments: