Marami ngayon ang humahanga sa isang 9 na taong gulang na bata mula sa Barangay Pinagturilan, Occidental Mindoro matapos mapagpasyahang magbigay ng kanilang tanim na kamote para sa isang community pantry na nakatakdang ilunsad sa kanilang lugar.
Ayon kay John Christoper Lara, miyembro ng Kilusang Nagmamalasakit na siyang magtatayo ng naturang community pantry, nang mapag-alaman ng batang si Don Don Sinagmayon o Ornelo at ng kaniyang pamilya ang pagbubukas ng pantry sa kanilang lugar ay agad silang nagkusa na magbigay ng donasyon.
Mismong si Don Don ang nag-abot ng kalahating sako ng kamote upang matupad ang kagustuhang makatulong sa kapwa.
“Matapos i-anunsyo ng Kilusang Nagmamalasakit sa Lalawigan ang aming isinasagawang community pantry at sabihin na maaari silang magbigay ng mga pagkain para makatulong sa iba, lumapit siya sa amin at inabot ang halos kalahating sako ng kamote. Bigay raw ito ng kanilang pamilya,” saad ni Lara.
Si Don Don at ang kaniyang pamilya ay miyembro ng indigenous community sa Mindoro kung kaya lalong mas humanga ang mga tao sa kanilang inisyatibo na magpaabot ng tulong.
Pagbabahagi ng mga kapitbahay ng bata, sadya raw itong may mabuting kalooban. Sa katunayan, madalas din daw silang bigyan nito ng kamote at mga huling isda mula sa ilog. Naaasahan din siya ng kaniyang ina sa kanilang mga gawaing bahay habang wala ang kaniyang kuya at ama na kapwa nagtatrabaho.
No comments: