Maraming mga Pilipino ang talagang mahilig na mag-alaga ng mga hayop. Tipikal na makakakita tayo ng mga alagang aso, pusa, at ibon sa karamihan ng mga tahanan dito sa ating bansa.
Hindi lamang kasi sila nakapagbibigay ng ligaya at saya sa kanilang mga tagapag-alaga kundi talagang nakatutulong din sila lalo na upang mas maging makabuluhan ang kanilang bawat araw. Para sa mga nakatatanda, mas masarap ang kanilang pakiramdam dahil sa mga alaga nilang pets habang para sa mga bata naman ay mas mayroon silang napaglilibangan at nakakalaro.
Ngunit higit pa pala sa mga kadahilanan na ito ay ang pagkakaroon ng isang pamilya, tunay na kapamilya na siyang magtatanggol sa iyo at magliligtas mula sa panganib. Kamakailan lamang, umantig sa puso ng publiko ang kabayanihan ng pusang ito na nagawang isakripisyo ang kaniyang sariling buhay para lamang sa mga anak ng kaniyang amo.
Si Arthur, ang pusang ito ay itinuturing na bayani ng marami. Iniligtas niya ang dalawang bata mula sa makamandag na Eastern Brown Snake. Ito ang isa sa top 10 “highly venomous snakes” sa Australia.
Agad na sinunggaban ni Arthur ang ahas na ito nang makita niyang tutuklawin nito ang dalawang bata habang naglalaro sa kanilang bakuran. Inakala ng pamilya na walang natamong sugat o pinsala ang alaga nilang si Arthur kung kaya naman hindi na sila nag-alala pa at nagpasalamat na lamang na nailigtas ng pusa ang kanilang mga anak.
Ngunit natuklaw pala ng ahas ang kawawang pusa na naging dahilan upang ito ay ilang beses na mahimatay. Isinugod nila sa ospital ang kanilang alaga ngunit hindi na ito nailigtas pa.
Haggang sa ngayon ay nagluluksa pa rin ang kaniyang kinalakihang pamilya ngunit mananatili pa rin siya sa puso at isipan nila ano man ang mangyari. Tunay ngang nakakalungkot ang pangyayaring ito lalo na sa mga taong talagang napamahal na sa kanilang mga alagang hayop.
Kung kaya naman tiyak na mas magiging inspirasyon ito sa maraming mga tao upang mas mahalin at alagaan nila ang kanilang mga inaalagaang hayop.
No comments: